"Saklolo! Tulungan ninyo kami!"

      

Isa, dalawa, tatlo, apat. Kahit pa abutin ng kinabukasan ang pagbibilang ay hindi matutumbasan niyan kung gaano karami ang mga taong pinagsarhan ng pinto. Pinto upang makamit ang kalayaan. Kalayaan mula sa panghuhusga. Panghuhusga na ipinukol natin sa kanila. Sa kanila na tulad lamang natin - mga tao.


Pare-pareho tayong mga tao pero bakit ang iba sa atin ay parang mababangis na hayop kung umasta? Takot maagawan. Takot maunahan. Takot malamangan. Mga hayop na pipiliing manakit ng iba dahil takot masaktan.


Madaling maging tao pero mahirap magpakatao. Nasaan ang bayanihang tanyag sa ating mga Pilipino? Nasaan ang pagiging magiliw sa mga panauhin noong higit nila itong kinakailangan? Ikaw. Oo ikaw, aminin mo, hinusgahan mo sila. Pinandirihan, kinasuklaman at pilit na itinaboy nang dahil sa virus. Virus na kilala sa pangalang 2019 novel coronavirus o 2019-nCoV  ngunit kalaunan ay pinalitan ito ng bagong pangalan - ang COVID-19. Tulad mo, pinalitan ng bago. Pero ayos lang 'yan dahil sabi nila, "Change is the only thing that is constant in this world".


Nang dahil sa virus na iyan ay naging mapanghusga ang nakararami sa atin. Natakot tayong mag-abot ng pantulong na kamay sa mga kapwa-tao nating tila nilalamon ng kumunoy. Naduwag tayo sa posibilidad na baka tayo ay madamay. Paano ang inosenteng mga kabataan? Paano sila magiging pag-asa ng bayan sa hinaharap kung agad na mawawakasan ang kanilang buhay? 


Isang napakalaking mali ang ginawa natin. Nagdulot tayo ng social stigma. Sa halip na makatulong ay nagdulot pa tayo ng karagdagang problema dahil nanghusga at nakapanakit tayo ng ating kapwa. Bakit kaya d'yan tayo magaling? Ang manghusga sa iba. Oo, sa Wuhan, Hubei Province, China nagmula ang virus. Alam na 'yan ng buong mundo kaya hindi na natin dapat pang ipamukha na sa kanila galing iyon. Sa halip na paninisi bakit hindi na lang paghahanap ng solusyon ang gawin? Tayo ay magkaisa tungo sa isang layunin - ang wakasan ang pandemyang kinahaharap natin sa kasalukuyan. Kung may problema tayong kinahaharap, paniguradong may solusyon o lunas tayong mahahanap sa hinaharap.


Ang hamong ito ay pare-parehong ngayon lang natin nakasagupa dahil ang COVID-19  ay isang panibagong sakit dulot ng novel (bagong) coronaviruses  na hindi pa kailanman natagpuan sa mga tao noon.


Mabilis itong kumalat sa iba't ibang panig ng mundo kaya't wala na tayong oras para magsisihan. Naumpisahan na ito. Kinakailangan na lang natin itong wakasan. Paano? Sundin ang sinabi nila na "Prevention is better than cure". Agapan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng mga sumusunod: manatili sa tahanan, iwasan ang mga pampublikong lugar, takpan ang iyong bibig at ilong gamit ang tisyu sa tuwing uubo o sisinga ng sipon at agad na itapon ang ginamit na tisyu sa basurahan, ugaliin ang maayos na paghuhugas ng kamay sa loob ng dalawampung segundo gamit ang sabon at tubig (gumamit ng alcohol na mayroong at least 60% solution kung walang sabon at tubig), huwag na huwag hawakan ang iyong mukha lalo na ang iyong mata, ilong o bibig, hugasan nang ayos ang mga kagamitan sa pagkain bago at matapos gamitin ang mga ito, linisin at disimpektahin ang kapaligiran lalo na ang high touch surfaces (counters, tabletops, doorknobs, bathroom fixtures, toilets, phones, keyboards, tablets and beside tables), gumamit la-mang ng face mask kung may sakit, kumain nang masusustansyang mga pagkain kagaya ng gulay at prutas upang mapanatili ang kalakasan ng katawan, at palaging uminom ng tubig (mas mainam ang mainit o 'di kaya ay maligamgam na tubig upang ma-sigurong hindi magtatagal ang virus kung sakaling nakapasok sa bibig).


Apat, tatlo, dalawa, isa. Hindi, dapat siguraduhin nating wala ng mabibiktima pa ng COVID-19. Tayong lahat ng mga tao mula sa iba’t ibang sulok ng daigdig, kung magsasama-sama at magkakaisa sa pagpaplano, pagsasagawa at pagkilos, panigurado ay mapagtatagumpayan ang anumang hamong kinahaharap at kahaharapin pa.


Tulad ng kahulugan ng halamang Mansanilya (Chamomile) na "overcome all adversities", mapagtatagumpayan natin ang lahat ng mga hamon kung mananatili tayong positibo sa kabila ng mga negatibong nangyayari sa ating kapaligiran.


"Saklolo! Tulungan ninyo kami!" Sa susunod na mayroon tayong marinig na ganyan ay huwag tayong magdalawang-isip na tumulong dahil mas mapadadali ang isang mahirap na bagay kung ito ay pagtutulungan ng nakararami.


- Maria Angelica Berdolaga