Ticker

6/recent/ticker-posts

Pikit Matang Titingin

Pikit Matang Titingin

ni Yvonne E. Balinton

Sa paglipat ng kalendaryo ni itay, 

Sambit niya’y “hanggang kailan pa ba tayo maghihintay?” 

Hindi man alintana sa kanyang mukha; 

ramdam ko ang kanyang pagkabalisa. 

Sabay higop sa mainit na kape, 

“Ano ba ‘tong COVID-19 na ire?” 

“Pribilehiyo nga naman, nakakagigil” 

Sa linyang iyon, sa aking paglalampaso ako’y napatigil 

Ang COVID-19 ay simbolo, 

Simbolo ng pagkakagulo, 

Simbolo ng kasalanang paulit-ulit, 

Simbolo ng pangarap, ng kontrata, ng plano na pinunit- punit. 

Hindi lamang simbolo ng nakakahawang sakit, 

Ngunit simbolo rin ng pasakit. 

Pasakit sa mahirap, 

Sa mayaman at politiko nama’y – oportunidad 

Oportunidad na makapagpahinga, na magkaroon ng oras sa pamilya, Oportunidad na gamitin ang pandemya, upang pera ng dapat sa mamamayan ay mapasakanila. Ang tanging nakapagpahinga sa amin ay ang aming pinggan, 

Dahil ang Itay, ay wala nang mailaman; 

Nakakarindi, nakakarindi ang tunog na kumakalam na tiyan, nakakalungkot dahil sa iba’y “happy, happy tayo dyan" 

Madalas pa nga ay “Yes, tayo’y makakapagpahinga!” 

Ngunit sa’min ay “Wala na tayong bigas, ‘Pa” 

Tunay ngang may dalawang mukha, 

Sa iisang sitwasyon, may magkaibang mukha. 

Sa iisang sitwasyon – may sumisigaw, humihiyaw sa labis na kasiyahan, Merong sumisigaw, humihiyaw – lumalayo sa kamatayan. 

Ako’y inalog ni Inay, aking paglalampaso ay ituloy na raw, 

Dahil palubog na ang haring araw. 

Tumayo, bumuntong hininga, ngumiti, sabay sabing sa sarili; 

Magpatuloy ka

Post a Comment

0 Comments