HAWA-HAWA

ni Franchesca Maria Sophia M. Del Pilar


Sa bawat pagmulat ng mumunting talukap, 

Tayo ay nagulat sa katotohanang sumambulat 

Sa inaakalang biglaan ngunit ilusyon lamang ang lahat, 

Posas sa kamay ng kapisan mahigpit ang ipit sa balat 

Bagong sakit nga ba ang dahilan ng patuloy na pagkalugmok? 

O planong hindi konkreto at intensyong balu-baluktot? 

Sino? Paano? Bakit nga ba dapat na bigyan-pansin? 

Dahil kung tutuusin ang mga nakaupo ay siya ring salarin 

‘Pag hihigpit nitong pandemya ang natatanging plano, 

Kapakanan lamang ng pamilya kapalit ng buhay ng milyong Pilipino


Nasaan na nga ba ang ideya ng pagbabago? 


Dapat nga bang magtiwala sa mga pangakong palaging napapako? 

Iba't ibang epidemya ang matagal na nating iniinda, 

Dahil sa mga pagkakamaling hindi pagpili sa kung anong tama 

Dahil sa pagiging makasarili at sa kung saan lamang magiging masaya,


Sangsinukob nga ba ay totoong buhay pa? 

Pandemya sa taong ito'y siyang sa atin ay bumigla, 

Ang sumubok sa talino ng taong isang kahig isang tuka, 

Ang humimok na pansinin ang pagkakamali at gawing tama, 

Ang tutuwid sa pagkabaluktot ng proyektong hindi pangmasa 

Babangon ang bayan sa muling pagkakadapa, 

Isisigaw ng mga bata at mamamayagpag ang tama 

Tatahan sa pag-iyak ang inang bayang sakit ay lumubha, 

Aayusin ang sistema at buhay at pananatilihing masaya 

Hindi maipagkakaila na epidemya ay siyang kumitil sa napakaraming buhay

Ngunit gawin itong aral upang pagpaplano ay maging matagumpay 

Bayan ay naniniwalang siya'y ating tutulungan bago ang paglubog ng bukangliwayway,

At nananalig na ang pagmamahal sa kanya'y hindi kailanma'y mamamatay 


Pagsubok, subukin, at ating subukan 

Tapusin, ubusin ang dapat posasan 

Kinabukasan ay bukas sintindig ng tagdan 

Ang pag-apoy ng sulo'y saksi ng tunay na kagitingan.