Kailan pa ba natin matatamasa ang kaginhawahan sa ating bansa? Puro na lang ba mga pangakong nauuwi sa pagkapako ang ating matatamo? Kung ating babalikan, taong 2016 binitawan ng ating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga salitang “Hindi ako mangangako ng paraiso, pero sisikapin kong maitigil ang korupsiyon.”, noong kumakandidato pa siya. Idinagdag din niya na “Sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, magwawakas ang katiwalian sa gobyerno”.
Tatlong taon na ang lumipas, magtatapos na ang taong 2019 pero anong nangyari? Nasaan na ang sinabing tatlo hanggang anim na buwan upang sibakin ang mga tiwali sa pamahalaan? Bakit napakarami pa ring mga buwayang naglipana sa ating lipunan? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin maubos-ubos ang mga kagaya nila?
Korupsiyon ang puno’t dulo ng lahat ng mga suliraning ating kinahaharap sa kasalukuyan. Nang dahil sa mga sakim na namumuno na patuloy ang pagbubulsa sa yaman na dapat ay para sa bayan ay laganap ang kahirapan sa ating bansa. Idagdag pa ang kawalan ng trabaho ng nakararaming bilang ng mga mamamayang Pilipino. Kaya naman marami ang nauuwi sa pagkapit sa patalim gaya na lamang ng pagnanakaw, pagpatay, at ang mas malala pa ay pagtutulak ng mga ipinagbabawal na gamot. Korupsiyon ang dahilan kung bakit napakaraming krimeng nagaganap araw-araw, kung bakit nagkakagulo ang ating bansa, kung bakit walang pagkakaisa sa pagitan ng bawat Pilipino.
Kung mawawala ang korupsiyon pati ang mga buwaya sa ating bansa ay paniguradong aangat ang ating ekonomiya, gaganda ang katayuan natin, makasasabay tayo sa mga mauunlad na mga bansa dahil maayos na maibibigay ang nararapat na badyet para sa iba’t ibang mga departamento at mga gawaing pangkaunlaran ng ating bansa. Pero ang malaking tanong ay paano kung mismo ang pangulo ng bansa ay hindi ito nagawa kahit ilang taon na ang nakaraan?
Tayo, bawat isa sa ating mga ordinaryong mamamayan, kung magsasama at magkakaisa tungo sa isang hangarin ay mas magiging makapangyarihan kaysa sa mga buwayang nagkalat sa ating lipunan. Kung magtutulungan tayo, magagapi natin sila. Mailalagay natin sila sa nararapat nilang kalagyan, sa kulungan. Tama na ang pagiging hangal natin, panahon na upang mamulat sa katotohanang may kasalanan tayo sa mga problemang mayroon tayo dahil tayo mismo ang nagluklok sa kanila sa kinalalagyan nila sa kasalukuyan. Hindi natin maibabalik ang nagdaan pero may pagkakataon pa tayo upang bumawi, piliin at iboto lamang ang mga taong nararapat mamuno. Huwag tayo magpadala sa pagbili nila ng ating boto dahil tayo rin ang maghihirap sa dulo. Maging matalino tayo sa pagboto, kilatising mabuti ang isang kandidato, huwag magpadala sa mga matatamis nitong pangako dahil malaki ang posibilidad na ito lang din ay mapapako.
Nasa ating mga mamamayan ang tunay na kapangyarihan. Tayo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga kandidato upang magkaroon ng kapangyarihan. Ang kinakailangan nating gawin upang tuluyan nang mawakasan ang katiwalian ay ang bumoto nang maayos! Tulungan natin ang ating mga sarili na makaahon mula sa pagkakalubog. Katiwalian ay wakasan upang sagayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan.
Article by: Maria Angelica Berdolaga