Nasaan ang Korona?
ni: Maria Angelica Berdolaga (B. A. M.)
Nakaraang taon, bigo sa pagsungkit ng korona
Ang ating binibini na pinambatong kandidata
Kaya naman ang naging pagbibiro at banat nila
Nagkusa na sa pagpunta ang Corona sa'ting bansa
O heto't nandito na nga, 'di nagpahuli ang Pinas
Kaliwa't kanan ang naging pagpapatupad ng batas
Kuwarentenas, nauwi sa pagsara ng pook-daanan
At panlipunang pagdistansiya ng mga mamamayan
Pinaigting na kuwarentenas ng komunidad sa'tin
Ay ipinatupad na rin ng pamahalaan natin
'Pagkat kabuuang bilang ng nasawi'y dumarami
At mga lokal na paglipat ay napakarami
Ang sa Tsina ay natagpuan, sa Pinas di'y meron na
Ang dati na epidemya lamang, ngayo'y pandemya na
Kaya't ang pagpigil sa mabagsik na birus na ito
Ay kailangan ang pagkakaisa nating mga tao
May sintomas o walang sintomas man ang isang tao
Kinakailangan ang pagiging napakaingat nito
Upang sa inkubasyon siya ay hindi na humantong pa
At pagpatag ng kurba ay mas maging madali na
Bansa ay malagay man sa estado ng kagipitan
Basta't nakahahawang sakit lang ay mawakasan
Bumagsak man ay agad namang tatayo at lalaban
Sa tulong ng Maykapal na 'di tayo pababayaan
COVID-19 ba kamo o Corona'y nakatatakot?
Huwag magpasindak o kaya'y magpadala sa takot
May gagabay at magliligtas sa atin sa tuwina
Ang Maykapal, nasa Kaniya ang tunay nga na korona.
0 Comments