Pinakamayaman o Pinakamatalino?
ni: Maria Angelica Berdolaga
LAKANDIWA:
Malugod na pagsalubong / sa inyong mga narito
Matutunghayan ninyo’y / makabuluhang pagtatalo
Salamat sa’ting Supremo / dahil sa portunang ito
Maging pinakamayaman / o pinakamatalino
Na tao sa mundong ito? / Ano ang pipiliin n’yo?
Halina’t makinig na / ang sagot ay tuklasin n’yo
PINAKAMAYAMAN:
Kung ‘yan ang pag-uusapan / handa akong manindigan
Ako’y binibining nais / maging pinakamayaman
Upang mga mahihirap / ay aking matutulungan
PINAKAMATALINO:
Ako rin ay binibini / na kung papipiliin n’yo
Mas nanaisin ang isa / na ako ay matalino
Lahat ay kaya kong gawin / maging pagtulong sa tao
LAKANDIWA:
Pansin kong kayo’y mahusay / sa inyong pananalita
‘Di ko na patatagalin / ito’y ating simulan na
Pinakamayamang tao / sa unang tindig humanda
PINAKAMAYAMAN:
Aanhin mo ang talino / kung ikaw ay walang pera
Sarili’y di matulungan / paano pa ba ang iba?
Baka puro ka lang yabang / wala namang ibubuga
Kapag ikaw ay mayaman / marami kang mabibili
Para sa iba na tao / at para sa’yong sarili
Kaya naman ang pagtulong / magiging napakadali
PINAKAMATALINO:
Aanhin mo ang ‘yong pera / kung ikaw naman ay bobo
Puro ka lang pagwawaldas / puro pa hangin ang ulo
Baka ikaw ay maghirap / ika’y magsisi sa dulo
Kung ikaw ay matalino / alam mo ang dapat gawin
Kahirapan ay ‘di hadlang / at lalong ‘di rin dahilan
Upang ‘di ka magtagumpay / sa iyong mga mithiin
LAKANDIWA:
Umpisa’t nagbabaga na / agad ang mga palitan
Sa susunod nilang tindig / sila’y aking hahayaan
Sila muna’y ating bigyan / ng masiglang palakpakan!
PINAKAMAYAMAN:
Maging praktikal sa mundo / pera’y higit na kailangan
Upang ang kahirapan ay / tuluyan nang mawakasan
Malaman nga ang ‘yong utak / Wala namang laman ang tiyan
PINAKAMATALINO:
‘Di lahat ay kayang bilhin / ng perang sinasamba mo
Kung lahat ay matalino / walang mahirap sa mundo
Dahil may mga diskarte / at utak na tumatakbo
PINAKAMAYAMAN:
Oo’t ika’y matalino / pero sa’n ba ang bagsak mo?
‘Diba’t sa taong mayaman / na kung tawagin mo’y amo
PINAKAMATALINO:
Bakit magpapaalipin / sa taong mayaman
Kung kaya ko naman palang / higitan ang kanyang yaman
PINAKAMAYAMAN:
O ‘diba’t lumabas din ang / kagustuhan mong yumaman!
PINAKAMATALINO:
Oo, ako ay yayaman / dahil ako’y matalino!
PINAKAMAYAMAN:
Kayamanan ang kailangan!
PINAKAMATALINO:
Katalinuha’y taglayin!
LAKANDIWA:
Tama na ang batuhan n’yo! / Kayo’y inaawat ko na
Kayo ay magbeso-beso / dahil kayo’y mahusay nga
Isang palakpakan muli / mula sa’ting mg madla
Kung kayo ang mamimili / ano ang dapat taglayin?
Ang kayamanan ba o ang / katalinuhan na angkin?
Kayo na ang siyang humatol / kung sino ang kampeon natin.